Tuwang-tuwa ako ng makita ko ang aking tatlong taong gulang na anak sa unang araw nya sa eskuwela noong nakaraan lamang Hunyo. Maya’t-maya ay pinupunasan niya ang kanyang bagong itim na sapatos, sinisilip ang laman ng kanyang bagong envelope. Mukhang excited na siyang pumasok noon.
Hindi sa mamahalin at pribadong eskuwelahan namin ipinasok si Karl. Pinili naming ang isang preschool na bunga ng isang joint project ng pamahalaang lokal at OB Montessori.
Sa tingin ko iisa lamang ang pakiramdam ng mga magulang na pinipiling papasukin ang kanilang anak sa pampublikong eskuwelahan, ang pag-aalala sa kalidad ng pasilidad at edukasyon na kanilang makukuha.
Malamang ay nasaksihan na natin sa maraming balita sa radyo at telebisyon ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga pambulikong paaralan, ang mga sirang upuan, kulang o walang classroom, ang mga siksikang klase, kakulangan ng mga libro at upuan.
Pero marahil para sa mga magulang na walang ibang opsyon o kakayahang pampinansyal, ang pampublikong eskuwelahan ay mas mabuti na kaysa tuluyan ng hindi mag-aral.
Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, patuloy pa ding nababawasan ang subsidy para sa edukasyon. Ihalimbawa natin ang mga State Universities and Colleges (SUC).
Ang sabi ni Pangulong Aquino, ang patuloy na pagbabawas ng budget sa edukasyon ay isang paraan para matulungang maging financially independent ang mga eskuwelahan. Ibig sabihin, isang paraan ito para unti-unting bitawan at talikuran ng gobyerno ang kanyang responsibilidad sa edukasyon.
Hindi na bago ang patuloy na pagliit ng budget sa edukasyon. Nakakalungkot isipin na mukhang mas mahalaga pa sa gobyerno ang barkong pandigma na nagkakahalaga ng bilyung-bilyong piso, overpriced na mga helicopters kaysa sa pagbibigay ng mga bagong upuan, libro at pasweldo sa mga empleyado.
Hindi nakakapagtaka kung gayon kung bakit unti-unting bumababa ang rankings ng mga top universities sa Pilipina sa QS World University Rankings. Ang University of the Philippines, na kinaltasan ng P1.39 bilyon ngayon taon sa budget, ay nasa #332 mula sa dating #314. (Balita mula sa Philippine Inquirer.)
Samantalang ang mga unibersidad sa mga bansang South Korea, Japan at Germany, na hindi kinaltasan ng budget ng kanilang pamahalaan ay nanatiling nasa matataas na bracket ng QS World Ranking.
Dahil sa patuloy na pagkakaltas ng gobyerno ng subsidyo sa mga paaralan, napipilitin ngayon ng magtaas ng tuition fee and ibang pang fees ang mga eskwelahan. Paano ngayon makakasabay ang mga mag-aaral na limitado o napakababa ng kakayahang pangpinansyal?
Kung sakaling papipiliin ka, saan mo ilalaan ang kakarampot na sahod ng iyong magulang? Sa edukasyon o sa pagkain sa buong maghapon? Sabihin mo ng cliché, pero ito ang katotohanan. Mayroong mga pamilya at mga kabataan na napipilitang pumili sa pagitan ng oportunidad na makapag-aral at ang araw-araw na survival.
Noong nakita kong pumasok ang anak ko sa isang maliit na pampublikong classroom, naisip ko, paano kung hanggang dito na lang ang kaya ko? Ano pang klaseng edukasyon ang aabutan ng anak ko pagdating niya ng kolehiyo? At naisip ko, may panahon pa para magkaroon ng pagbabago. Karl: Papasok na ako! from ray leyesa on Vimeo.

0 comments:
Post a Comment